Muling nanawagan ang Council for the Welfare of Children (CWC) ng sama-samang pagkilos para mapalakas ang kaligtasan ng mga estudyante sa mga eskwelahan, kasunod ng insidenteng kinasangkutan ng dalawang Grade 6 pupil sa Macabalan Elementary School sa Cagayan de Oro City noong October 16.
Ayon sa CWC, bagama’t may mga paunang ulat na posibleng may kaugnayan ito sa bullying, kailangan munang magsagawa ng masusing imbestigasyon para matukoy ang buong pangyayari at mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng dalawang bata.
Sinabi ni CWC Executive Director V Undersecretary Angelo Tapales na mahalagang pakinggan ang mga bata, seryosohin ang mga ulat ng bullying, at agad tugunan ang mga problemang maaaring humantong sa karahasan.
Binigyang-diin din ng konseho ang mahalagang papel ng mga paaralan, magulang, komunidad, at mga kinauukulang ahensiya sa paglikha ng ligtas na kapaligiran para sa mga bata.
Kabilang sa mga inirerekomendang hakbang ang pagpapalakas ng mga mekanismo ng child protection sa mga paaralan, at pagkakaroon ng access sa pagrereport ng bullying.
Nanawagan din ang CWC sa mga magulang, guro, media practitioner, at social media user na huwag ilathala o ipakalat ang mga pangalan, larawan, video, at iba pang impormasyong maaaring makakilala sa mga batang sangkot sa insidente.
Ayon sa konseho, dapat iwasan ang haka-haka, paninisi, at online shaming para maprotektahan ang dignidad, pribasiya, at kapakanan ng mga bata.