Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Kahit wala pang batas na mag-aamyenda sa personal income tax exemption threshold, pinag-aaralan na ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga aspekto na maaaring mabago sa kasalukuyang sistema oras na maipatupad ito.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni BIR Spokesperson Deputy Commissioner Marissa Cabreros na kanila nang tinitingan ang posibleng adjustments sa tax table, tax rates, at maging sa BIR forms.
Ayon kay Deputy Commissioner Cabreros, kailangang mai-update agad ang sistema upang agaran ding maramdaman ng mga benepisyaryo ng tax relief na ipinanawagan mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa ika-5 niyang State of the Nation Address (SONA).
Aniya, kasama rin sa makikinabang sa tax relief ang self-employed individuals at professionals dahil sakop sila sa individual graduated income tax rates, kung saan nakatakdang i-adjust ang threshold for exemptions mula PhP250,000 patungong PhP350,000.
Pagbibigay-diin ni Deputy Commissioner Cabreros, hindi lamang dapat maganda ang nakasulat sa lilikhaing batas, kung hindi dapat ay tunay na mararamdaman din ang epekto nito sa bulsa ng bawat Pilipino.