📷 Pag-IBIG Fund
Nagtambal ang Pag-IBIG Fund at ang mga residential brand ng Ayala Land Inc. na Avida Land Corp. at Amaia Land Corp. upang mas mapadali ang pagkuha ng sariling tahanan para sa mga manggagawang Pilipino. Ito ay bilang pagsuporta sa Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa ilalim ng kasunduan, mag-aalok ng mga espesyal na presyo sa ilang piling proyekto ng Avida at Amaia na maaaring pondohan sa pamamagitan ng Pag-IBIG Housing Loan na hihiram ng hanggang ₱10 milyon. Isasailalim din sa Developer-Assisted housing loan processing ang mga tinukoy na proyekto upang mabilis na maiproseso ang mga papeles at maipalabas ang pondo.
Layunin din ng kolaborasyon na maihatid sa mas maraming miyembro ang pinababang interes sa pautang:
- 3% p.a. interest rate para sa mga qualified socialized housing borrowers.
- 4.5% o 5.75% promotional rates para sa mga tahanang higit sa socialized housing ceiling.
Pinangunahan ang paglagda sa kasunduan nina Pag-IBIG Fund CEO Marilene C. Acosta, Avida Land President Raquel S. Cruz, at Amaia Land Vice President Aris C. Gonzales. Tumayo namang mga saksi sina DHSUD Secretary Jose Ramon P. Aliling at Ayala Land President and CEO Meean B. Dy.
Dumalo rin sa ginanap na lagdaan ang mga Deputy CEO ng Pag-IBIG Fund na sina Alexander Hilario G. Aguilar, Robert John S. Cosico, Benjamin R. Felix Jr., at Marcial C. Pimentel.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DHSUD at Pag-IBIG Fund na makipag-ugnayan sa mga pribadong developer upang ilapit sa mga pamilyang Pilipino ang abot-kayang pondo para sa sariling tahanan.