Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang tanggapan ng gobyerno na bilisan ang development at pagkumpleto sa Sangley Point International Airport (SPIA) sa Cavite.
Sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 44, minamandato ang mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng national government agencies, lokal na pamahalaan ng Cavite, at ng pribadong sektor na involved sa pagsisiguro na napapanahon ang pagsasakatuparan ng proyekto.
Nakapaloob sa utos ng pangulo ang pagbuo ng Joint Technical Working Group (JTWG) na kapwa pamumunuan ng Department of Transportation (DOTr) at ng Philippine Reclamation Authority (PRA).
Magsisilbi namang miyembro nito ang
Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), at ang Cavite LGU.
Trabaho ng JTWG na aksyunan ang mga isyung nagpapatagal sa proyekto, at siguruhing susunod ang reclamation activities sa environmental at technical requirements.
Ipinag-utos din ng pangulo ang pagsusumite ng quarterly progress report sa Palasyo. | ulat ni Racquel Bayan