Photo courtesy of Rep. Brian Yamsuan
Isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong itaas ang suweldo ng mga Special Needs Education (SNed) teacher upang masolusyunan ang matinding kakulangan ng mga ganitong guro sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill 5574 na inihain ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan, itataas ang minimum salary grade level ng mga pampublikong guro sa elementarya at sekondarya mula Salary Grade 14 (P38,764) tungong Salary Grade 16.
Nangangahulugan ito ng basic monthly pay na P45,694 ngayong taon at humigit-kumulang P47,829 sa taong 2027.
Ipinunto ng kinatawan na dapat ay pantay-pantay ang oportunidad sa edukasyon para sa lahat, ngunit mangyayari lamang ito kung may sapat na nakatalagang guro para sa mga mag-aaral na may kapansanan o learners with disabilities (LWDs).
Nananawagan si Yamsuan sa Civil Service Commission (CSC) na pabilisin ang pag-apruba sa revised qualification standards ng DepEd para sa bagong 600 plantilla positions ng SNed teachers na nakabinbin pa mula noong Abril.
Lumalabas sa pag-aaral ng EDCOM 2 na 32 porsyento pa lamang ng mga paaralang may LWDs ang may nakatalagang SNed teacher, at tatlo sa bawat apat na mag-aaral na may kapansanan ang isinasama sa pangkalahatang klase sa ilalim ng mga regular na gurong walang sapat na pagsasanay sa special education. | ulat ni Melany Reyes