Nanawagan si House Committee on Senior Citizens Chairperson at United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysay sa Kamara na gamitin ang oversight function nito para imbestigahan ang mabagal na proseso sa pag-apruba ng mga gamot sa Health Technology Assessment Council (HTAC) at Food and Drug Administration (FDA).
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Magsaysay na umaabot umano sa halos 10 taon ang proseso bago maaprubahan ang ilang gamot at maisama sa Philippine National Formulary.
Aniya, nakaaapekto ito sa presyo at access ng publiko sa mga gamot, partikular para sa diabetes, chronic kidney disease, kanser, at iba pang malulubhang sakit.
Ayon kay Magsaysay, nasa 85% ng gastusin sa gamot sa Pilipinas ay out-of-pocket.
Kinuwestiyon din niya kung bakit hindi agad naaaprubahan ang mga gamot na pasado na sa globally accepted clinical practice guidelines at listahan ng World Health Organization.
Bagamat suportado niya ang mahigpit na safety requirements para sa mga bagong gamot, iginiit niyang hindi dapat maging dagdag na pabigat ang proseso sa mataas nang presyo ng mga gamot.
Binigyang-diin ni Magsaysay na kailangang tugunan agad ang backlog dahil hindi lamang ito usapin ng kalusugan kung hindi isang moral responsibility.