Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga alagang hayop at ibon mula sa Japan.
Saklaw ng desisyon ang mga domestic at wild birds, kabilang ang day-old chicks at hatching eggs.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Japan na nalutas na ang outbreak at malaya na ang bansa sa highly pathogenic avian influenza.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makatutulong ang desisyon sa pagtiyak ng access sa de-kalidad na breeding materials at pagpapalakas ng competitiveness ng poultry sector.
Binigyang-diin naman ng DA na mananatili ang veterinary inspection, quarantine protocols at iba pang kinakailangan sa pag-aangkat.
Magiging epektibo ang circular 15 araw matapos itong mailathala sa website ng DA. | ulat ni Diane Lear