Binigyang diin ng Palasyo na anuman ang resulta ng lumalabas na mga survey ukol sa performance, pagtitiwala, at iba pa patungkol kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ay mananatili lang itong nakatuon sa trabaho.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may mga pagkakataong tumutugma at hindi ang mga numero na lumalabas sa mga isinasagawang survey.
Hindi man nagre-reflect minsan sa katotohanan ang survey ani Castro ay tuloy lang aniya na nakatuon ang Punong Ehekutibo sa kanyang mandato.
Partikular na dito ang magtrabaho para maibsan ang anumang nararanasan ng ating mga kababayan.
Base sa pinakahuling SWS Survey ay nagsasabing 42% ng adult Filipinos ay masaya sa performance ng administrasyong Marcos, habang 17% naman ang nagsabing hindi sila nasisiyahan.