Posibleng mapakinabangan na ng mga minimum wage earner sa Metro Manila ang P85 dagdag-sahod.
Ayon kay DOLE Acting Secretary Francis Tolentino, ngayong araw ang deadline ng inilabas na temporary restraining order (TRO) ng Pasig RTC na pumipigil sa pagpapatupad ng wage order.
Dahil dito, kung hindi maglalabas ng panibagong TRO ang Pasig RTC, awtomatikong ipatutupad na ang dagdag-sahod.
Sinabi ni Tolentino na hindi pa malinaw kung retroactive ang wage increase, lalo’t dapat sana itong naging epektibo noong Hulyo.
Iginiit ni Tolentino na kaisa ng DOLE ang mga manggagawa sa nasabing dagdag-sahod, kung saan sila pa mismo ang kumikilos para labanan ang TRO at tumestigo sa korte ang regional director ng DOLE.
Sang-ayon din si Tolentino na walang kapangyarihan ang lower court na maglabas ng TRO laban sa wage order na inaprubahan ng National Wages and Productivity Commission at Regional Tripartite Wages and Productivity Board, alinsunod sa Labor Code.