Nagpalabas ng babala at paalala ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa mga pampublikong guro hinggil sa pagpapanatili ng propesyonalismo at etikal na pamantayan kasunod ng mga ulat ukol sa paggamit ng kanilang propesyon sa paggawa ng nilalaman o content sa internet.
Sa isang press briefing sa Malacañang, ipinahayag ni Presidential Communications Office at Palace Press Officer Claire Castro na nakatanggap ang DepEd ng mga ulat kaugnay ng ilang guro na ginagamit ang kanilang posisyon bilang content creator.
Ayon sa ulat ng DepEd, may ilang online content kung saan isinasama o ipinapakita ang mga mag-aaral sa paraang lumalabag sa mga umiiral na patakaran ng kagawaran at etikal na pamantayan.
Dahil dito, mahigpit na hinimok ng DepEd ang mga guro na iwasan ang ganitong mga gawain at panatilihin ang kaayusan sa loob at labas man ng paaralan.
“Ang mga guro ay nagsisilbing ikalawang magulang ng mga kabataan at ang paaralan ay nagsisilbing kanilang pangalawang tahanan,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin din ng opisyal na dapat panindigan ng mga guro ang kanilang sinumpaang tungkulin at patuloy na magsilbing mabuting huwaran sa mga estudyante. Aniya, ang magagandang asal ay nagmumula sa tahanan at lalo pang pinauunlad sa paaralan.
“Nagpaalala ang DepEd sa lahat ng mga pampublikong guro na iwasan ang ganitong mga practice at panatilihin ang propesyonalismo sa trabaho sa loob man o labas ng apat na sulok ng paaralan. Nagpapaalala rin ang DepEd sa mga guro na panindigan ang kanilang sinumpaang tungkulin at patuloy na maging mabuting huwaran sa kanilang mga mag-aaral,” dagdag pa ni Castro.