Nakumpleto na ng mga bangko at financial institutions ang kanilang pagsunod sa mga subpoena na inilabas ng Senate Impeachment Court kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Office of the Clerk of Court, natapos kahapon, August 13, ang pagsusumite ng lahat ng dokumentong saklaw ng ruling ng Impeachment Court noong July 20.
Ito ay matapos makapagsumite ng mga natitirang dokumento ang dalawang bangko na una nang humiling para sa dagdag na panahon para makasunod sa subpoena.
Bukod dito, nagsumite rin ang lahat ng subpoenaed banks, gayundin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) at Anti-Money Laundering Council (AMLC), ng karagdagang certified true copies ng mga dokumentong hinihingi sa ilalim ng utos ng korte noong August 3.
Ang naturang utos ay nagsilbing dagdag sa July 20 ruling ng Impeachment Court tungkol sa mga subpoena request.
Sa kabuuan, sinabi ng Office of the Clerk of Court na kumpleto na ang lahat ng dokumentong kinakailangang isumite sa ilalim ng mga inilabas na subpoena.
Mahalaga ang mga dokumentong ito sa impeachment proceedings laban kay Duterte, partikular sa magiging pagtalakay sa Article 2 ng Articles of Impeachment o ang tungkol sa alegasyon ng Unexplained Wealth, False SALNs at Continued Business Interests.