Pinag-aaralan na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang posibilidad na alisin ang value added tax (VAT) sa non-technical system loss sa singil sa kuryente.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni ERC CEO Atty. Francis Saturnino Juan na naglabas na ang ERC ng draft resolution na itinuturing ang system loss charge bilang government-mandated pass-through charge para hindi na ito mapasama sa tax base para sa VAT.
Positibo aniya ang paunang tugon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ipagpapatuloy ng ERC ang rule-making process.
Samantala, sinabi ng NEA na batay sa May 2026 billing ng 94 sa 121 electric cooperatives, nasa 6.27% ang technical system loss at 2.95% ang non-technical loss.
Ayon kay NEA Administrator Antonio Mariano Almeda, malaking bahagi ng non-technical loss ay dulot ng electricity pilferage at mga consumer na walang metro.
Kaugnay nito, iminungkahi ng NEA ang isang taong palugit at pautang para sa mga electric cooperative para makabili ng metro at maayos ang illegal connections, sa halip na subsidy.
Layunin ng hakbang na mabawasan ang system loss na ipinapasa sa mga consumer, kabilang ang VAT na kaugnay nito.