Inaprubahan ng House Committee on Disaster Resilience, ang ilang panukala na magpapalakas sa kahandaan at pagtugon sa panahon ng kalamidad.
Walong panukala ang pinagsama para sa substitute bill na naglalayong magtatag ng disaster food banks at stockpiles sa bawat lalawigan at highly urbanized city.
Ayon kay Bulacan Rep. Agatha Cruz, mahalagang nakahanda na ang pagkain, tubig, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan bago pa man tumama ang kalamidad.
Aniya, bawat oras ay mahalaga sa emergency kaya hindi dapat saka pa lamang hinahanap, binibili o dinadala ang tulong kapag naroon na ang sakuna.
Pinagtibay din ng komite ang panukalang maglilibre sa freight services para sa paghahatid ng relief goods sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity.
Sabi ni Committee Chair ar Cagayan Rep. Jojo Lara, madalas na naaantala ang mga donasyon at suplay dahil sa gastos sa freight at shipping, kaya makatutulong ang libreng serbisyo upang mas mabilis na makarating ang ayuda sa lugar na nasalanta.