Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa samahan ng mga photographers sa Malacañang o sa Presidential Photojournalists Association (PPA) na aniya’y nagsilbing mata para sa taongbayan at maihatid sa mamamayan ang mga ginagawa at nagawa ng gobyerno.
Ayon sa Pangulo, sa loob ng apat na taon ay nakabuntot at naroroon din ang PPA kung saan man siya dalhin ng kanyang trabaho.
Sa pamamagitan aniya ng kanilang lente at kuhang mga larawan ay hindi lamang naipapaabot ng mga ito ang gawa ng pamahalaan kundi naipepreserba din ang kasaysayan ng may katapatan at integridad.
Sinabi naman ni PPA Presidente Noel Pabalate na bilang mga photo journalists na nakatutok sa Pangulo ay naisipan nilang maglunsad ng photo exhibit para maipakita din sa publiko hindi lamang ang pagiging lider ng Punong Ehekutibo kundi pati na ang iba pang side ng Presidente na aniyay napaka-approachable, nakikisalamuha sa mga bata at matatanda.
Mananatili aniyang committed, ani Pabalate, ang PPA na sundan ang Pangulo sa mga aktibidad nito at maging daan upang malaman ng publiko kung gaano ka-hard working ang Presidente para maitaguyod ang inisyatiba ng pamahalaan.
