Photo courtesy of Department of Migrant Workers (DMW)
Naiuwi na sa Pilipinas ang labi ng Pilipinong Engineer na nasawi sakay ng MV Gas Lisbon sa Black Sea.
Kahapon, August 13 dumating mula Romania ang labi sakay ng Turkish Airlines flight TK084 sa NAIA Terminal 3.
Matatandaan na nagkaroon ng drone attack ang sinasakyang barko ng marino na MV Gas Lisbon, isang Liberia-flagged Liquefied Petroleum Gas (LPG) tanker, noong July 21.
Siyam (9) na Pilipinong marino ang kabilang sa crew ng barko, dalawa (2) sa kanila ang nagtamo ng burn injuries, habang ang engineer ay pumanaw noong July 23, dahil sa mga pinsalang tinamo sa insidente.
Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang maayos na pag-asikaso sa labi ng marino at tuloy-tuloy din ang suporta sa naulilang pamilya hanggang sa kanyang huling pag-uwi sa Caramoan, Camarines Sur.
May mga matatanggap ang pamilya na Death and Burial Benefits, Education and Livelihood Assistance Program (ELAP), at iba pang naaangkop na welfare assistance at serbisyo.
Bago naman makabalik sa Pilipinas, personal na nagtungo sina Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac at OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” M. Caunan, kasama ang iba pang miyembro ng delegasyon, sa Tulcea County Hospital kung saan naroon ang labi ng nasawing marino.