Mariing itinanggi ng China ang alegasyon ng New Zealand na nagsasagawa ito ng malawakang espionage o paniniktik sa loob ng kanilang bansa.
Ayon sa Embahada ng China sa Wellington, walang batayan at gawa-gawa lamang ang paratang na layong sirain ang relasyon ng dalawang bansa. Tinawag din nitong “Cold War Mentality” ang akusasyon.
Ginawa ng embahada ang pahayag makaraang ilabas ng New Zealand Security Intelligence Service ang Security Threat Environment 2026 na nagsasabing isang China-based firm ang nagtangkang maglagay ng satellite-tracking infrastructure sa kanilang bansa.
Basahin: New Zealand pinigilan ang planong satellite-tracking site na iniuugnay sa China
Samantala, iginiit naman ng Beijing na ang normal na ugnayan, pagpapalitan, at kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa ay hindi dapat ituring na paniniktik o pangingialam.
Sinabi rin ng China na nakabatay sa mutual benefit ang kanilang relasyon sa New Zealand, kabilang ang kalakalan, tarabaho at iba pang kooperasyon.
Hinimok din ng Beijing ang Wellington na palakasin ang tiwala sa isa’t isa at ang kanilang bilateral cooperation.