Pinigilan ng New Zealand ang tangkang paglalagay ng satellite-tracking infrastructure ng Purple Mountain Observatory – isang China-based organization – sa kanilang bansa.
Ang nasabing organisasyon ay sinasabing may malapit na ugnayan sa pamahalaan ng Beijing.
Ayon sa New Zealand Security Intelligence Service (NZSIS), isinulong ang plano sa pamamagitan ng isang lokal na kumpanya na posibleng hindi batid na maaaring gamitin ang nasabing kagamitan sa pangongolekta ng impormasyon gaya ng sa seguridad at militar.
Hindi naman sinabi ng ahensya kung saan ang eksaktong lokasyon na pagtatayuan ng nasabing pasilidad o kung gaano kalayo ang naging progreso ng plano.
Inilahad ang insidente sa taunang Security Threat Environment assessment ng NZSIS, kung saan sinabi nitong ang China ang tanging bansang natukoy nila na nagsasagawa ng espionage sa malawakang antas.
Ayon pa sa ahensya, mahalaga ang lokasyon ng New Zealand sa South Pacific para sa mga sistemang sumusubaybay sa satellites at space debris.
Samantala, patuloy na binabantayan ng New Zealand ang mga aktibidad ng mga dayuhang estado na maaaring makaapekto sa kanilang pambansang seguridad.
Dagdag pa ng NZSIS, bahagi rin ang New Zealand ng Five Eyes Security Alliance kasama ang Estados Unidos, Britain, Canada at Australia.
1 thought on “New Zealand pinigilan ang planong satellite-tracking site na iniuugnay sa China”