Malaking salik sa bahagyang pag-angat ng Public Satisfaction Rating ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ginagawa nitong hakbang upang matugunan ang mga suliraning kinahaharap ng bansa.
Ito ang pananaw ni Social Weather Stations (SWS) Communications and IT Director Leo Rando Laroza matapos ang isinagawang national survey ng survey firm sa 1,200 Filipino adult correspondents para sa kasalukuyang administrasyon nitong Hunyo 2026.
Sa nasabing survey, naitala ang 14-point recovery mula sa -13 na record noong Marso.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Laroza, sinabi nito na bahagyang tumaas ang trust rating ng Marcos Administration mula sa pagtugon nito sa ibang mga isyu na kinahaharap ng bansa, lalo na nang magkaroon ng digmaan sa Gitnang Silangan na lubhang nakaapekto sa kabuhayan ng mga mamamayan.
Ila na rito ang mga tulong tulad ng fuel subsidy sa sektor ng transportasyon at sa mga magsasaka, maging ang tulong pinansyal sa low income earners na mga Pilipino upang mapagaan ang kanilang pamumuhay.
Mayroon ding ambag ang paninindigan ng pamahalaan sa teritoryo ng bansa.
Sa kabila nito, nananatili pa rin aniya na malaking balakid sa rating ang pagsugpo sa “graft and corruption” at pagharap sa inflation ng bansa.
Ayon pa kay Laroza, kung mas bibigyan pa ng pansin ng administrasyon ang pagsugpo sa dalawang pangunahing problema ng pamahalaan at kung ipagpapatuloy ang mga magagandang programa, lalong aangat ang satisfaction ratings nito at gaganda rin ang ekonomiya ng bansa.