Photo courtesy of Presidential Communications Office (PCO)
Siniguro ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mag-eendorso siya ng kandidato para sa 2028 presidential elections.
Gayunpaman, sa kasalukuyan, hindi pa alam ng Pangulo kung sino ito at masyado pa aniyang maaga para dito.
Sa FOCAP Presidential Luncheon, sinabi ng Pangulo na pre-mature o masyado pang maaga upang desisyunan ang bagay na ito.
Bukod dito, wala pa aniya siyang kinakausap tungkol dito.
Sabi ng Pangulo, marami pang mangyayari sa larangan ng politika at iisang tao pa lamang din naman ang nagpahayag ng intensyong tumakbo sa susunod na national elections.
Hindi rin aniya, malayong makipag-alyansa ang kanilang partido sa iba pang mga partido.
Ayon kay Pangulong Marcos, pipili sila ng pinakamahusay na posibleng kandidato na magpapatuloy ng mga nasimulan na ng kaniyang administrasyon.