Naniniwala ang ilang civic groups na hindi dapat gawing panangga ng China ang mga Pilipino para gipitin umano ang pamahalaan ng Pilipinas.
Ito ang iginiit ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY) matapos kumpirmahin ng China Foreign Ministry na inaresto ang 100 Pilipino nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, hindi lang ito basta simpleng usapin ng immigration kundi panggigipit ng Tsina sa Pilipinas.
Tulad umano ng sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro, ito ay maituturing na extortion at blackmail at posibleng dahil ito sa operasyon noon ng Pilipinas laban sa mga Chinese national.
Para kay Chairman Goitia, kung ito man ang dahilan ng Tsina, may karapatan ang Pilipinas na ipatupad ang sariling batas sa loob ng teritoryo nito, anuman ang nasyonalidad ng iniimbestigahan.
Kailangan naman umano ng Pilipinas ang matatag na paninindigan at ipagpatuloy ang walang takot na pagtanggol sa sariling mamamayan at soberanya.