Nakaantabay ang water pump trucks ng lungsod ng Parañaque para sa agarang pagtugon sa posibleng pagbaha sa lungsod habang tuloy-tuloy ang sama ng panahon sa bansa.
Ayon sa Parañaque LGU, ang mga trak ay bahagi ng kanilang paghahanda para maibsan ang pangamba ng mga residente na tumaas ang baha dahil sa walang tigil na buhos ng ulan.
Bukod naman sa water pumps, tuloy-tuloy din ang declogging o paghahakot ng mga basurang naipon sa mga kanal sa tulong ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO).
Aminado ang lungsod na malaking problema ang mga nagtatambakang basura kaya nananawagan ang pamahalaang lungsod sa mga residente na huwag magtapon ng basura kung saan-saan, lalo na sa mga kanal at daluyan ng tubig, upang maiwasan ang pagbaha.
Pinapaalalahanan din ang mga residente na manatiling alerto at makinig sa mga awtoridad.