Pinangunahan ni Education Secretary Sonny Angara ang paggawad ng Department of Education (DepEd) Heroes Award sa nasawing 15-anyos na Boy Scout na si Chris Lorenz Fabian, Grade 10 student ng San Jose National High School (SJNHS) sa Tacloban City.
Kasabay ito ng paglulunsad ng ikalawang taon ng DepEd Heroes Program, kung saan posthumously iginawad kay Fabian ang parangal matapos niyang ialay ang kanyang buhay upang protektahan ang kanyang mga kaklase sa pamamaril sa kanilang paaralan noong June 22. Hinawakan niya ang pintuan ng kanilang silid-aralan upang mapigilan ang salarin at mabigyan ng oras ang kanyang mga kaklase na makapagtago.
Pinarangalan din ang mga guro at kawani ng SJNHS dahil sa kanilang mabilis na pagresponde at pamumuno sa gitna ng insidente.
Ayon kay Angara, patunay ang ginawa ni Fabian na ang tunay na kabayanihan ay hindi nasusukat sa edad. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagpapalakas ng school safety at pagbibigay ng suporta sa mental health ng mga mag-aaral.
Inilunsad ang DepEd Heroes Program noong Agosto 2025 upang kilalanin ang pambihirang tapang, serbisyo at dedikasyon ng mga guro, mag-aaral at kawani sa buong bansa.