Photo courtesy of House of Representatives
Nausisa ni Oriental Mindoro 1st District Representative Arnan Panaligan kung bakit may mga ahensyang nakaranas ng pagbaba sa panukalang pondo para sa 2027, kabilang ang Department of Agriculture at Department of Health, sa kabila ng pagtaas ng kabuuang pambansang budget mula P6.7 trillion ngayong 2026 tungo sa P7.2 trillion sa 2027.
Sa interpelasyon sa budget deliberations, binigyang-diin ni Panaligan na mahalaga ang agriculture, health, social services at education sa pagpapababa ng kahirapan kaya dapat maipaliwanag kung bakit nabawasan ang kanilang pondo.
Paliwanag naman ni DBM Acting Sec. Kim De Leon, na isinasaalang-alang sa pagbuo ng panukalang budget ang absorptive capacity o kakayahan ng mga ahensya na gamitin at ipatupad ang kanilang kasalukuyang pondo, partikular na ang malalaking infrastructure projects.
Aniya, may malaking bahagi pa ng 2026 budget ng ilang ahensya ang hindi nagagamit kaya mas mababang halaga ang kanilang inirekomenda para sa 2027, bagama’t hindi naman umano naging zero ang pondo para sa kanilang infrastructure projects.
Iginiit naman ni Panaligan na kung hindi nagagastos ng mga ahensya ang kanilang alokasyon, maaaring magkaroon ito ng epekto sa economic growth, lalo’t 2.6 percent lamang ang naitalang paglago ng ekonomiya sa unang quarter at 2.3 percent sa ikalawang quarter.
Sumang-ayon ang kalihim na makatutulong sa paglago ng ekonomiya kung mas maagang maipatutupad at magagamit ng mga ahensya ang kanilang mga programa at proyekto.