Sinusuri ngayon ng Reserve Command ng Philippine Air Force (PAF) ang kasalukuyang mga patakaran sa pagkakaloob ng mga parangal at sa pagsusuot ng honorary badges at insignia ng mga reservist.
Isinagawa ang hakbang na ito kasunod ng mga isyung lumitaw kaugnay ng military service at mga parangal na natanggap ni PAF Reservist Brigadier General Michael Odylon Romero.
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Christina Basco, nasa opisyal na rekord ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang military status, mga naging assignment, at mga pagkilalang tinanggap ng bawat tauhan.
Binigyang-diin din ng PAF na kinakailangang may kaukulang General Orders o iba pang opisyal na dokumento ang lahat ng awards, badges, at insignia na isinusuot sa military uniform, bilang batayan sa kontribusyon o serbisyo ng isang indibidwal.
Tiniyak naman ng PAF Reserve Command na palalakasin nito ang implementasyon ng mga patakaran upang mapangalagaan ang wastong dokumentasyon at integridad ng sistema ng military awards at recognitions. | ulat ni Diane Lear