Photo courtesy of Senate of the Philippines Facebook
Iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pangangailangan ng detalyadong impormasyon at feasibility study para sa mga flood control project na isasama sa panukalang 2027 national budget upang maiwasan ang tinatawag na “ghost” at magkakaparehong proyekto.
Ayon kay Gatchalian, dapat nakasaad sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga detalye gaya ng station numbers at eksaktong coordinates ng mga proyekto.
Mahalaga rin aniya ang pagkakaroon ng feasibility study upang matukoy kung magiging epektibo talaga ang isang flood control project.
Sinabi ni Gatchalian na sinimulan na niya ang paunang pagsusuri sa ₱7.2-trillion na panukalang pambansang budget para sa 2027, kabilang ang preliminary review sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Gatchalian, mas maayos na ang pagsusumite ng DPWH ng budget proposals ngayon, ngunit mayroon pa ring mga kakulangan sa detalye na kailangang linawin sa budget deliberations.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na malaki ang kanyang tiwala kay Senate Finance Committee Chairman Senador JV Ejercito sa masusing pagbusisi sa 2027 national budget.
Ayon sa Senate President, mas bihasa na si Ejercito sa budget process dahil sa kanyang mahabang karanasan sa serbisyo publiko bilang mayor at congressman. Patuloy rin aniya ang koordinasyon nila ni Ejercito sa magiging takbo ng budget deliberations.