Mariing itinanggi ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagkakaroon ng “leadership fund” para sa mga senador kasunod ng pahayag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na may bilyong pisong pondo na inilaan para sa mga senador, na may tig-P500 milyon hanggang P1 bilyon na alokasyon.
Ayon kay Gatchalian, sampung taon na siya sa Senado peroo hindi pa niya kailanman narinig o naranasan na alukin ng naturang pondo.
Sinabi ng Senate President na una niyang narinig ang terminong “leadership fund” mula sa yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, na binanggit sa privilege speech ni Senador Panfilo “Ping” Lacson noong nakaraang taon.
Itinanggi rin ni Gatchalian na napag-usapan nila nina dating Senate Presidents Juan Miguel Zubiri at Chiz Escudero ang anumang ganitong sistema para sa mga budget noong 2024 at 2025.
Matatandaang si Gatchalian ang namuno sa Senate Committee on Finance noong nakaraang budget cycle.
Giit ng senador, walang ganitong arrangement sa ilalim ng kanyang pamumuno at binigyang-diin na ang mga panukalang budget amendment ng mga senador ay dumadaan sa Senate finance committee o inihahain sa plenaryo at inilalagay sa website ng Senado.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na hindi niya matukoy kung bakit inilutang ni Bonoan ang isyu. | ulat ni Nimfa Asuncion