Umabot na sa 27 indibidwal ang napaulat na nasawi dahil sa epekto ng habagat batay sa pinakahuling ulat ng Philippine National Police (PNP).
Naitala ang mga nasawi sa La Union, Pangasinan, Rizal, Batangas, Quezon, Benguet, Baguio, at Caloocan, kabilang na ang isang pulis na nasawi sa Negros Occidental.
Kabilang sa mga naitalang insidente ay landslide, rockslide, pagkakalunod, pagkakakuryente, at pagbagsak ng puno.
Bukod dito, nakapagtala rin ang PNP ng 18 nasugatan mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), at Calabarzon, habang naitala ang tig-isang kaso ng nawawalang indibidwal sa sa NCR at Calabarzon.
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co, ang nasabing tala ay mula sa mga regional units ng pulisya at isasailalim pa ito sa validation.
Samantala, batay sa tala ng PNP, 166 na tauhan nito ang na-deploy sa mga apektadong rehiyon, kung saan 117 ang nakatalaga sa mga evacuation center, habang mahigit 10,000 ang Reactionary Standby Support Force (RSSF) personnel ang nakahandang i-deploy kung kinakailangan. | ulat ni Diane Lear