Umabot na sa kabuuang 11,120 Bayanihan Sim ang naipamahagi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Lalawigan ng Camarines Sur.
Ayon kay DICT Bicol OIC Regional Dir. Christian Roy Melad, halos patapos na ang Bayanihan Sim Initiatives ng ahensya sa Camarines Sur kung saan naipamahagi na ang sim cards sa mga benepisyaryo mula sa mga itinuturing na unserved at underserved areas sa lalawigan.
Naging prayoridad sa pamamahagi ng mga Bayanihan Sim ay ang mga paaralan at mga mag-aaral kung saan magagamit nila ang proyektong ito ng pamahalaan para sa kanilang pag-aaral.
Bawat naipamahaging Bayanihan Sim ay mayroong monthly allocation na 25GB Data sa loob ng isang taon.
Sa tulong din ng nasabing programa, patuloy ang ginagawang hakbang ng DICT Bicol upang ma-empower ang mga mag-aaral at komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng reliable connectivity, na makakatulong sa pagbubukas ng mga oportunidad pagdating sa edukasyon, komunikasyon at digital participation sa mga mamamayan.