Pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang mga paraan upang magamit ang labis na ani ng mga magsasaka bilang bahagi ng pinalawak na School-Based Feeding Program (SBFP).
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin nitong makatulong sa mga magsasaka habang natitiyak ang pagkakaroon ng masustansya at mainit na pagkain para sa mga mag-aaral.
Kabilang sa mga hakbang ang direktang pagbili ng gulay mula sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng Adopt-a-School Program, gayundin ang pakikipagtulungan sa Department of Agriculture (DA) para sa paggamit ng mga cold-storage facility upang maiwasan ang pagkasira ng mga ani.
Isinasama rin ng DepEd ang Republic Act No. 11321 o Sagip Saka Act sa SBFP, na nagbibigay-daan sa mga paaralan na direktang bumili ng sariwang produkto mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng negotiated procurement.
Sa pinalawak na SBFP, nasa 4.6 milyong mag-aaral, kabilang ang lahat ng Kindergarten at Grade 1 learners, ang inaasahang makikinabang sa programa.