Binatikos ni House prosecution panel adviser at Spokesperson Ace Barbers si Vice President Sara Duterte dahil sa patuloy nitong hindi pagdalo sa sarili niyang impeachment trial sa Senado.
Ngayong araw ang ikapitong linggo o day-16 ng paglilitis laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Barbers, ang pagtanggi ng Bise Presidente na humarap sa korte ay nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa proseso ng Saligang Batas na dati nitong ipinangakong igagalang.
Binigyang-diin ni Barbers na hindi maaaring pumili lamang ng oras ng pagdalo sa impeachment court kapag pabor sa isang opisyal.
Pinalagan din ng solon ang mga alegasyon ng kampo ng Bise Presidente ukol sa pambabastos o pagkiling umano ng mga imbestigasyon.
Aniya, tila ang tanging forum na katanggap-tanggap para sa kanila ay ang lugar kung saan walang magtatanong.
Muling nanawagan si Barbers sa Bise Presidente, na wakasan na ang pag-iwas at personal na humarap sa Senado na tumatayong impeachment court upang direktang sagutin ang mga usapin, sa halip na iasa ang lahat sa kanyang mga abogado at tagapagsalita.