Courtesy of Rep. Benny Abante/FB
Simula na ngayong araw ang budget briefing sa Kamara para sa panukalang ₱7.2-trillion 2027 National Budget.
Unang sasalang ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) upang ipaliwanag kung paano binuo ang panukalang budget at ano ang mga economic assumptions na pinagbabatayan nito.
Kasabay nito tiniyak ni Manila Representative Bienvenido Abante Jr. na hindi makaaabala ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa pagtalakay ng Kongreso sa panukalang pambansang budget.
Ayon kay Abante, sapat ang oras ng Kamara para ipagpatuloy ang regular na trabaho nito dahil limitado lamang sa ilang oras kada araw ang sesyon ng Impeachment Court.
Aniya, maaaring isagawa sa umaga ang impeachment proceedings at maipagpatuloy naman sa hapon ang deliberasyon sa mga panukalang batas at budget.
Mula nang magbukas ang impeachment trial noong July 6, natalakay na ang Article IV tungkol sa pagbabanta sa buhay ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at miyembro ng kaniyang pamilya habang kasalukuyang nakasalang ang Article I hinggil sa paggamit ng Confidential Funds.
Umaasa naman si Abante na matatapos ang impeachment proceedings bago sumapit ang Disyembre upang maituloy ng Kongreso ang iba pa nitong legislative priorities, kabilang ang 2027 National Budget.