Dapat ding maharap sa pagsisiyasat at mapanagot ang iba pang ahensya ng gobyerno na mapatutunayang lumabag sa mga patakaran sa paggamit ng Confidential Funds, ayon kay House Prosecution Panel Spokesperson Zia Alonto Adiong.
Ayon kay Adiong, hindi dapat nakasentro lamang sa Office of the Vice President ang usapin, kundi sa lahat ng ahensyang hindi sumusunod sa Joint Circular 2015-01 na nagtatakda ng paggamit, paglalabas, at pag-uulat ng Confidential at Intelligence Funds.
Giit niya, dapat papanagutin ang mga opisyal na hindi tumutupad sa mga itinakdang panuntunan at higpitan pa ang mga safeguard upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo.
Binigyang-diin din ni Adiong na wala namang problema sa pagkakaroon ng Confidential Funds ngunit nagkakaroon aniya ng isyu sa paano ito nagagamit.
Kaya nga aniya mandato ng Commission on Audit (COA) na magsuri ng kanilang paggastos.
Sa kaso ng OVP, sinabi ni Adiong na naging kapansin-pansin ang mga transaksyon matapos ilarawan ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) bilang “unusual” ang paraan ng paggastos na kanilang na-audit.
“Ang gawin na lang natin, let’s run after those agencies and then let’s hold to account ‘yung mga personalities or mga officials na hindi niya tinutugunan ang… hindi niya ino-obey o kino-comply ang joint circular. That’s the proper course of action,” saad ni Adiong.