Matapos ang testimonya ng mga kinatawan ng Landbank at Commission on Audit (COA), isusunod na ngayong araw ng House prosecution panel sa witness stand ang mga pangunahing opisyal na humawak ng confidential funds ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).
Ito ay kaugnay sa Article 1 ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Inaasahang haharap sina Office of the Vice President (OVP) special disbursing officer Gina Acosta, dating Department of Education (DepEd) special disbursing officer Edward Fajarda, at OVP Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.
Kasama ring sasalang si House Legislative Archives Head Marivic Pareja.
Ayon sa prosecution panel, ang pagtestigo ng mga opisyal ay kasunod ng mga audit report upang direktang linawin ang pag-withdraw, paghawak, at pagpapatunay sa paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.
Matatandaang sa mga nakalipas na pagdinig, nabusisi ng Impeachment Court ang findings ng COA-ICFAO hinggil sa mga umano’y iregularidad sa paggasta ng pondo sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Samantala, inaasahan ding maglalabas ngayong Lunes si Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ng desisyon ukol sa umano’y paglabag sa Rule 18 o ang sub judice rule, na nagbabawal sa prosecution at depensa.