Wala pang malinaw na legal na batayan para magsagawa ng virtual o online hearing ang Senate Impeachment Court, ayon kay Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol.
Ito ay sa gitna ng patuloy na masamang panahon na posibleng makaapekto sa schedule ng impeachment trial dahil sa mga work suspension.
Ayon kay Tongol, hindi nakasaad sa impeachment rules ang virtual court hearing.
Aniya, maging sa ordinaryong korte ay exception lamang ang videoconferencing at kinakailangan munang maghain ng mosyon ang alinmang panig at magpakita ng makatuwiran at makatarungang dahilan.
Kung gagawin din aniya ito sa Impeachment Court, kailangan pa ring may magmosyon, maglahad ng justifiable reason at magpakita ng legal na batayan para sa pagdaraos ng online hearing.
Dagdag pa ni Tongol, magiging malaking hamon din ang logistics dahil 24 senator-judges ang kakailangang mag-online.
Kung sakali, kailangan aniyang hindi bababa sa 13 senator-judges ang naka-online para magkaroon ng quorum, bukod pa sa malaking bilang ng mga miyembro ng House Prosecution Panel, defense counsels, staff ng mga senador at Clerk of Court. Sa ngayon, sinabi niyang kailangang humanap muna ng mas maayos na solusyon o sapat na legal na batayan bago maisagawa ang virtual proceedings ng Impeachment Court.