Photo courtesy of Department of Budget and Management (DBM)
Kinumpirma ni DBM Acting Secretary Kim De Leon na magsasagawa ang ahensya ng compensation study para matukoy ang susunod na salary increase para sa mga kawani ng pamahalaan matapos ang implementasyon ng fourth tranche ng salary increase sa 2027.
Ayon kay De Leon, bahagi ng mandato ng DBM ang patuloy na pag-evaluate sa salary schedule, at layunin ng pag-aaral na matukoy ang timing at halaga ng posibleng panibagong dagdag-sahod.
Inaasahang makukumpleto ang compensation study sa ikalawang kalahati ng 2027, at sinabi ni De Leon na sisikapin ng DBM na maisaalang-alang ang resulta nito sa paghahanda ng 2028 national budget.
Samantala, may isinasagawa rin umanong hiwalay na pag-aaral ang DBM para sa posibleng pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance o PERA, na kasalukuyang nasa P2,000 kada buwan.
Ayon kay De Leon, layunin nilang makapagbigay ng rekomendasyon sa Pangulo bago matapos ang 2026 kung magkakaroon ng adjustment sa PERA at kung magkano ang posibleng itaas nito.
Kung maaaprubahan, target aniyang maisama ang posibleng dagdag sa PERA sa 2027 budget sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund.