Photo courtesy of House of Representatives
Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magpapalakas sa agricultural insurance system para higit na maprotektahan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa kalamidad at iba pang panganib.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, isa sa may akda ng panukala, mahalaga ang hakbang na ito dahil maaaring mawala sa isang bagyo o baha hindi lamang ang ani kung hindi pati puhunan at kabuhayan ng isang pamilya.
Sa ilalim ng House Bill 10365, palalawakin ang saklaw ng Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC upang isama ang high-value crops, livestock, aquaculture at fishery products, agroforestry at forest plantations.
Maisasama na rin dito ang makinarya, kagamitan, transport facilities at iba pang imprastraktura na ginagamit sa produksyon ng agrikultura.
Layunin din ng panukala na isama sa insurance ang production inputs, halaga ng paggawa at bahagi ng inaasahang ani, habang papayagan ang PCIC na mag-alok ng parametric o index-based insurance products.
Mananatili rin ang subsidiya ng gobyerno sa insurance premiums ng mga kwalipikadong subsistence farmers na nagsasaka ng hindi hihigit sa tatlong ektarya, basta’t abot-kaya ang kanilang bahagi sa premium.
Ayon kay Dy, makatutulong ang pinalawak na insurance coverage para mas mabilis na makabangon ang mga magsasaka at mangingisda, makapagtanim muli at mapatatag ang food security ng bansa.
“For a farmer, one typhoon can mean losing the crop, the money spent on seeds and fertilizer, months of labor, and the income the family was counting on. Without adequate protection, one disaster can become years of debt. Kapag may proteksyon ang ating mga magsasaka at mangingisda, mas mabilis silang makakabangon. Kapag mas mabilis silang nakababangon, mas matatag din ang ating produksyon ng pagkain,” saad ni Dy.