File/The White House Photo
Inatasan ni U.S President Donald Trump ang Pentagon na tapyasan ng malaking porsyento ang military exercises nito sa South Korea.
Sa isang social media post, inihayag ni Trump na matagal na siyang hindi nasisiyahan sa joint military drills kasama ang Seoul dahil masyado aniya itong magastos at nagpapahiwatig ng agresibong tindig laban sa North Korea.
Binigyang-diin din ni Trump ang “very good relationship” nito kay North Korean leader Kim Jong Un at nagpahaging sa aniya’y pagtanggi ng South Korea na makiisa sa denuclearization efforts laban sa Iran.
Ginawa ng U.S. leader ang pahayag ilang oras bago ang pagsisimula ng taunang Ulchi Freedom Shield joint military exercises sa pagitan ng Amerika at South Korea.
Sa kabila ng pahayag ni Trump, nagpatuloy pa rin sa schedule ang nasabing pagsasanay militar nitong Lunes.
Una nang kinondena ng Pyongyang ang nasabing military drill na anila’y “provocative” at dinadala sa bingit ng nuclear war ang seguridad sa daigdig.
Nagbanta rin itong tatapatan ng bagong antas na “deterrent” ang nasabing pagsasanay.