Tinutugunan na ng Department of Agriculture ang pagkalugi ng mga magsasaka sa Benguet dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Iniutos ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa DA-CAR ang agarang pagsusuri at pagtulong sa mga apektadong magsasaka.
Ayon sa ulat, umabot sa 5.8 tonelada ng Chinese cabbage at carrots ang nasayang dahil sa pagkabulok at problema sa transportasyon at pagbebenta.
Kabilang dito ang 2.5 toneladang Chinese cabbage na itinapon na lamang sa Tublay matapos hindi maibenta.
Samantala, apat na toneladang carrots ang dinala sa trading center, pero 700 kilo lamang ang naibenta. Patuloy namang pinalalawak ng DA-CAR ang market access sa pamamagitan ng Kadiwa ng Pangulo at transport assistance.