Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng ₱9.753 billion sa Commission on Higher Education (CHED) upang tugunan ang kakulangan sa pondo ng 108 state universities and colleges (SUCs) sa ilalim ng Free Higher Education Program ng pamahalaan.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, ang hakbang na ito, alinsunod ito sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyang-prayoridad ang sektor ng edukasyon sa bansa.
Aniya, ang pondong ito ay mula sa mga appropriation sa ilalim ng Fiscal Year 2026 General Appropriations Act (GAA) at Higher Education Development Fund.
“Alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang sektor ng edukasyon, naglaan ang Department of Budget and Management ng ₱9.753 bilyon sa Commission on Higher Education upang matugunan ang kakulangan sa pondo ng 108 state universities and colleges,” – Castro.
Ang alokasyon ito ay para sa ang mga natitirang obligasyon ng mga SUC na naipon noong Academic Years 2022–2023, 2023–2024, at 2024–2025.
Sa pamamagitan ng hakbang na ito, matitiyak ang sapat na resources sa mga public higher education institution upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mag-aaral.
Inihayag pa ni Castro na inaasahang makatutulong ang karagdagang pondo sa pagpapatupad ng mga programang pang-akademiko at pananaliksik, student services, laboratoryo at information technology resources, silid-aralan, at iba pang learning facilities.
“Mahalaga ang hakbang na ito ng Pamahalaan bilang tugon sa hangarin ng Pangulo na bigyang-prayoridad ang edukasyon, ngunit kailangang tiyakin na maingat at responsable ang paggamit ng pondo ng gobyerno,” – Castro.