Handang magbigay ng psychosocial support at Psychological First Aid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga estudyante, pamilya, school personnel at iba pang naapektuhan ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, nakahanda ang mga social worker at counselor ng DSWD Field Office 9 na magbigay ng psychosocial intervention.
Sinabi ni Gatchalian na mahalagang matulungan ang mga naapektuhan na makayanan ang trauma at matinding pagdadalamhati.
Batay sa ulat, apat ang nasawi sa insidente dalawang security guard at dalawang high school student. Siyam pang estudyante ang malubhang nasugatan.
Nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa lokal na pamahalaan ng Zamboanga City upang matukoy ang mga pangangailangan ng mga biktima at kanilang pamilya. Binigyang-diin ng kalihim na kailangang tugunan ang epekto ng insidente, lalo na sa mga batang nakaranas o nakasaksi sa pamamaril.