May karagdagang ₱14 bilyong subsidy ang inilaan ng pamahalaan sa PhilHealth sa ilalim ng panukalang 2027 national budget para sa pagpapalawak ng Zero Balance Billing program.
Ito ang sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) matapos usisain ni AKBAYAN Party-list Representative Perci Cendaña ang pagbaba ng kabuuang health sector allocation mula sa ₱458 bilyon sa 2026 General Appropriations Act tungo sa ₱362.73 bilyon sa 2027 National Expenditure Program.
Ayon sa DBM, kabilang sa mga dahilan ng pagbaba ang paggamit ng Department of Health sa bahagi ng 2026 allocation para sa Health Facilities Enhancement Program, gayundin ang pagpapanatili sa 2027 NEP ng pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP sa 2026 level.
Gayunman, sinabi ng DBM na inaprubahan ng administrasyon ang pagpapalawak ng Zero Balance Billing sa ilalim ng PhilHealth, upang masaklaw din ang mga pasilidad na pinamamahalaan ng mga lokal na pamahalaan.
Bilang tugon sa hiwalay na pagtatanong ni AKBAYAN party-list Rep. Chel Diokno, sinabi ng ahensya na isa rin sa malaking dahilan ng pagbaba ng health sector budget ay ang pagbabalik ng ₱60 billion fund balance sa PhilHealth na bahagi ng 2026 funding.
Sa ilalim ng 2027 NEP may inilaang ₱74.45 billion subsidy para sa PhilHealth, na ayon sa DBM ay GAA subsidy lamang at hindi pa kasama ang corporate operating budget ng state insurer.