Nanawagan sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Committee on Higher and Technical Education Chair Jude Acidre ng masusing pagsusuri sa nangyaring pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University.
Ayon kay Dy, hindi dapat magtapos sa pakikiramay at panalangin ang tugon ng pamahalaan, kundi kailangang malaman kung bakit at paano nangyari ang insidente at kung ano ang maaaring ginawa para ito ay mapigilan.
Bilang ama at lolo, masakit aniyang isipin na may mga magulang na naghatid ng anak nila sa paaralan ngayong araw, pero hindi na nila ito makakasamang umuwi.
Iginiit niyang dapat kumilos ang Kongreso bago pa muling may pamilyang mawalan ng anak, gamit ang mga datos, pag-aaral at karanasan ng ibang bansa bilang gabay sa mga solusyon.
“Hindi puwedeng matapos ang tugon natin sa pakikiramay at panalangin. Kailangan nating maintindihan kung bakit at paano ito nangyari, kung ano ang maaaring nakapigil dito, at kung ano ang dapat nating baguhin para manatiling ligtas ang ating mga anak sa paaralan. As lawmakers, our work cannot begin only after a tragedy has happened. We have to look for the gaps before another family has to bury a child. Hindi natin puwedeng iyakan ang trahedyang ito ngayon, tapos kalimutan na lang bukas.” Saad ni Dy
Samantala, sinabi ni Acidre na kailangang suriin kung sapat pa ang kasalukuyang sistema sa school security, mental health at psychosocial support, guidance counseling at crisis response.
Higit aniyang masakit ang insidente dahil hindi ito unang beses na nangyari ito.
Dapat ding siyasatin, aniya, kung paano nakararating ang mga baril sa kamay ng mga kabataan, habang iniiwasan ang anumang espekulasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“Congress has a responsibility to examine whether our laws and policies are keeping pace with the realities our schools are facing, particularly on school safety, mental health and psychosocial support, guidance and counseling, student welfare, crisis response, and access to firearms. And as we do this, we have to listen closely to the people who know these realities best: our students, parents, teachers, counselors, school administrators, and communities.” Diin ni Acidre | ulat ni Nimfa Asuncion