Kinumpirma ng Office of Civil Defense-MIMAROPA na may isang nasawi sa landslide na naganap sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.
Ayon sa OCD, natabunan ng bumagsak na lupa ang hindi pa pinangalanang biktima sa isang kalsada sa Barangay Sinandigan ngayong araw.
Agad na rumesponde ang Puerto Galera Municipal Police Station, kasama ang Bureau of Fire Protection, MDRRMO, Barangay DRRMC, at mga local volunteer para sa retrieval at clearing operations.
Nahukay ang biktima at dinala sa ospital para sa atensyong medikal, ngunit idineklara itong dead on arrival.
Wala namang naiulat na iba pang residenteng nasaktan sa insidente.
Sa ngayon, nadadaanan na muli ang apektadong kalsada, habang patuloy ang clearing operations sa tulong ng pamahalaang lokal. | ulat ni Diane Lear