Natalakay sa pulong ng Metro Manila Council (MMC) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukalang Single Ticketing System laban sa maling pagtatapon ng basura.
Ang panukala ay isinulong ni Las Piñas City Congressman Mark Anthony Santos, na sinuportahan naman ng mga alkalde sa Metro Manila.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, pina-plantsa pa ito at bubuo ng technical working group para ito ay mapag-usapan.
Bahagi aniya ng flood mitigation efforts ang wastong solid waste management dahil nababawasan nito ang basurang napupunta sa mga daluyan ng tubig at mga kanal.
Kabilang din sa tinalakay sa pulong ang ₱5,000 multa laban sa hindi maayos na pagtatapon ng basura sa lahat ng lokal na pamahalaan, maliban sa Munisipalidad ng Pateros na magpapataw lamang ng ₱2,500 na multa.
Samantala, iginiit ni MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora ang kahalagahan ng Integrated Drainage Master Plan, dahil hindi aniya natatapos sa isang lungsod ang pagbaha kaya kailangang magtulungan ang mga LGU sa pagpapabuti ng mga drainage system.| ulat ni Diane Lear