Iginiit ng kampo ni Marikina City First District Rep. Marcy Teodoro na walang sapat na basehan ang mga reklamong isinampa laban sa kongresista.
Ito ay matapos kasuhan ng Department of Justice (DOJ) ng apat na bilang ng sexual assault at isang bilang ng acts of lasciviousness si Teodoro.
Sa opisyal na pahayag ng legal counsel ni Teodoro na si Atty. Alma Mallonga, sinabi niya na natapos nang mahigit pitong buwan ang imbestigasyon ng DOJ panel sa mga reklamo, kaya nakakagulat na nagkaroon ng resolusyon na hindi ginawa o pinirmahan ng nasabing panel kundi ng ibang state prosecutor.
Dahil dito, makatwiran umanong ipagpalagay na binago ang orihinal na investigation report at rekomendasyon ng panel na ibasura ang mga reklamo laban sa kongresista.
Ayon kay Mallonga, inosente ang kongresista at handa nitong harapin ang buong legal na proseso para lumabas ang katotohanan.
Matatandaang sinampahan ng reklamong acts of lasciviousness at rape si Teodoro ng kaniyang dalawang babaeng close-in security noong September 2025. | ulat ni Diane Lear