Inaasahan na sa pagtatapos ng taong ito, makukumpleto ang flood control masterplan para sa Metro Manila na inumpisahan noong pang administrasyon ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sa press briefing sa Malacañang, ipinaliwanag ni DPWH Secretary Vince Dizon na hindi naman ibig sabihin nito na wala silang gagawin habang hinihintay na matapos ang review at pag-update sa masterplan.
Ayon sa kalihim, sinisimulan at gumugulong na rin ang iba pang proyekto kontra baha.
Ang mahalaga lamang naman, ayon sa kalihim, dapat masiguro na nakabase sa siyensiya at coordinated sa mga lokal na pamahalaan ang mga proyektong ito.
Ang nakikita kasi aniya nilang pagkakamali o pagkukulang sa nakaraan ay ang kawalan ng koordinasyon ng mga proyekto ng DPWH sa mga lokal na pamahalaan.