Pinadodoble ni 4Ps Party-list Representative JC Abalos ang mandatory Service Incentive Leave o SIL ng mga kwalipikadong manggagawa.
Sa kanyang House Bill 10753, mula limang araw ay gagawin na itong sampung araw.
Ito aniya ay para mabigyan ang mga manggagawa ng mas mahabang panahon para makapagpahinga, asikasuhin ang kanilang kalusugan at personal na pangangailangan, at makasama ang kanilang pamilya.
Ayon kay Abalos, mahigit 50 taon nang hindi nagbabago sa limang araw ang minimum SIL na itinatakda sa ilalim ng Labor Code para sa mga empleyadong nakapagsilbi na nang hindi bababa sa isang taon.
Sinabi rin ng mambabatas na napag-iiwanan na ang Pilipinas kumpara sa ilang bansa sa Southeast Asia na may mas mataas na statutory annual leave.
Sa Singapore, nagsisimula sa pitong araw ang annual leave at maaaring umabot sa 14 na araw depende sa haba ng serbisyo, habang walo hanggang 16 na araw naman sa Malaysia.
Iginiit ni Abalos na mahalaga ang dagdag na limang araw, lalo na sa mga manggagawang malayo sa kanilang pamilya.
Aniya, ang dagdag na leave ay hindi lamang benepisyo kundi pagkilala rin sa dignidad at kapakanan ng mga manggagawa.