Nilinaw ng Office of Civil Defense (OCD) na dumaraan sa proseso ang pagbuo ng rekomendasyon para sa suspensyon ng klase at trabaho, lalo na kung may masamang panahon.
Ayon kay OCD Deputy Administrator for Administration ASec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, nagsisimula ang proseso kapag may paparating na masamang panahon na maaaring magdulot ng panganib.
Nagsasagawa rin ng Pre-Disaster Risk Assessment kung saan sinusuri ang weather updates mula sa PAGASA, gayundin ang datos at forecast mula sa iba pang local at international science agencies.
Mula rito, tinatalakay ang iba’t ibang posibleng scenario, kabilang ang panganib ng matinding pag-ulan, pagbaha, at pagguho ng lupa upang matukoy ang mga lugar na maaaring maapektuhan.
Giit ni Alejandro, hindi lamang isang source ang basehan ng OCD sa paggawa ng rekomendasyon, kundi pinagsasama ang mga datos mula sa iba’t ibang ahensya, kabilang ang MGB para sa landslide risk at PHIVOLCS para sa iba pang hazard information.
Sinisikap aniya ng mga ahensya na makapagbigay ng napapanahong forecast at rekomendasyon, bagama’t walang forecast na perpekto.