Nabuo na bilang Tropical Depression Neneng ang Low Pressure Area na nasa silangan ng Extreme Northern Luzon.
Ayon sa DOST-PAGASA, alas-4 ng hapon, nasa 1,025 kilometro silangan ng Extreme Northern Luzon ang sentro ng Neneng, taglay ang lakas ng hanging 45 kilometro kada oras at bugso na hanggang 55 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pa-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Sa ngayon, wala pang nakataas na Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, hindi inaasahang mag-landfall sa Pilipinas ang Neneng at mananatiling malayo sa kalupaan ng bansa.
Gayunman, patuloy na magdadala ng malalakas hanggang gale-force na bugso ng hangin ang enhanced Southwest Monsoon o Habagat sa malaking bahagi ng bansa. Inaasahan ding magiging panandalian ang Neneng at mananatiling Tropical Depression bago humina bilang remnant low sa Taiwan sa Huwebes, August 20.