Nanawagan si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ng imbestigasyon ng Kamara sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng ilang estudyante.
Ayon kay Tinio, kailangang siyasatin ang mga sistemikong dahilan ng karahasan sa mga paaralan, kabilang ang kakulangan sa pondo, guidance counselors at iba pang support personnel.
Iginiit din niyang dapat malaman kung saan nanggaling ang baril, paano ito napunta sa kamay ng menor de edad, at kung sino ang responsable sa pagbabantay nito.
Samantala, nanawagan si Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña na agarang maisabatas ang Child Safety Against Gun Violence Act para higpitan ang access ng mga menor de edad sa baril at gawing gun-free zones ang mga paaralan.
Hiniling din ni Cendaña ang dagdag na pondo para sa mental health programs at psychosocial support ng mga bata at kabataan sa ilalim ng 2027 national budget.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si SSS-GSIS Pensyonado Partylist Representative Rolando “Rolly” Macasaet, isang alumnus ng Ateneo de Zamboanga, at sinabing masakit para sa kanya ang trahedya dahil ang Ateneo ay higit pa sa isang paaralan at isang komunidad na humubog sa kanilang mga pangarap at pagpapahalaga. Nanawagan si Macasaet ng lakas, malasakit at panalangin para sa mga pamilyang nagluluksa at sa buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga.
